Thursday, May 1, 2014

Pedicab Driver Ate Heidi

Naglalakad ako sa walls malapit sa Letran kanina-nina lang, papunta kasi akong Starbucks which is kaunting lakaran na lang sana kaso nakita ako ng isang pedicab driver. "Ma'am, Fort Santiago ma'am?" ang sabi ko hindi po, dyan lang ako sa Starbucks, malapit lang naman. Pero inaalok nya pa rin na ihatid nya ako sa Starbucks, bente pesos lang. Hindi na ako tumanggi, kasi tulong ko na rin yun sa kanya since wala masyadong pasahero ngayon, at sobrang init pa. Saka babae syang nag pe-pedicab kaya nais kong makatulong sa kanya.

Una kong napansin ang mga tarpaulin na nagpataas sa upuan ng pedicab nya. Tapos may tuwalya syang pangligo sa inuupuan nyang de-padyak. Sinimulan nyang makipag usap sa akin sa salitang "Ang init, ano po?" "Naglagay na ako ng basang bimpo sa ulo ko kasi high-blood ako, pampawi ng init!" Naalala ko ang nanay ko na ganun din ang gawain kaya't nabida ko rin sa kanya iyon. Nasabi nya rin na natulungan nyang maagapan ang stroke ng kamag-anak nya dahil nagmadali syang maglagay ng malamig sa ulo nito. Pinuri din daw ang ginawa nya ng doktor ng kamag anak nya dahil magandang first aid daw iyon.

Pagdating namin sa Starbucks, sarado pala ito kaya nagpahatid na lang ako pabalik sa dorm ko. Bago pa man iyon, naglagay ulit sya ng tubig sa bimpo nya kasi natuyo na yung bimpo nya dahil sa tirik na araw, at napansin kong naubos nya na ang tubig nya. Buti may dala akong tubigan, naisip kong ibigay sa kanya iyon pagbayad ko.

Nung papunta na kami sa dorm ko, nabanggit nya sa akin na sa bangketa lang sila natutulog ng mga apo nya. Wala nang mga magulang ang dalawa nyang apo kaya't sila na lamang tatlo ang magkakasama. Dati raw silang natutulog sa may Lyceum at tingin ko nga ay nakita ko na sila noon sa labas ng skul na iyon. Lubos akong naawa lalo at nahiya at the same time ay naramdaman kong maswerte ako sa buhay ko ngayon. Nai-reklamo nya rin sa akin yung isa nya daw suki na nagbigay ng maliit na pagkain galing Starbucks na worth 500pesos! Grabe nga ang mahal, pero nanghihinayang sya sa ganung pagkain dahil ipangbibili nya na lang sana ng mga damit ng mga apo nya iyung halagang iyon. Hindi naman daw mahalagang makakain ng masarap ang kanyang mga apo, ika niya. Tama, needs before wants. Hindi nya ma-accept na makakuha sya ng bagay na ang halaga ay pwede pa sanang maging mas makabuluhan.

Nasabi ko sa kanyang Architecture ang course ko, at namangha sya sa akin. Sa loob-loob ko naman ay sana makapag patayo ako ng bahay para sa kanila. Mukha syang taong may "ibubuga". Makapagpatayo man lang sana sya ng tindahan ay aangat ang buhay nya. Naaawa rin naman ako sa mga apo nya kahit hindi ko pa sila nakilala dahil ganun ang buhay nilang mag-lola. Sana naman ay pagpalain sila ng Panginoon at makaraos sila.

Sana ako'y makatulong sa kanila.

Yun lang yung nagawa ko kaninang paglabas ko. Kumain lang sa tabi ng dorm tapos naglakad papunta sanang Starbucks. Pero nakilala ko sya.