Noong nakaraang linggo, tayo'y ipinakinig ni Binibining Tayag ng mga tugtugin at unang-una na rito ang Tatsulok. Lumang kanta na ito ngunit, noon ko lamang napagtanto kung ano ang nais nitong ipahiwatig.
Napakaraya ng mundo, ano? Napakaraya nito lalung-lalo na sa mahihirap. Puro pera na lamang ang katapat ng lahat! Ang mayayaman, konting alitan lang, ay magbabayad na lamang sa kanilang abugado at madadaan na ito sa korte. Kaysa mas pagtuunan ng pansin ang mas makabuluhang mga kaso ay sisingit pa ang mga kasong tulad non! Eh ang mahihirap? Pag sila nanakawan, nasira ang dignidad, napaslang ang mahal sa buhay, may ipangbabayad ba sila upang makamit ang hustisya? Kahit sabihin pa nating demokrasya ang ating bansa ay hindi parin tayo pantay-pantay bilang mga mamamayan! Lagi na lang mayayaman ang nakakakuha ng lahat ng gusto nila habang ang mahihirap ay hindi pa rin umuusad sa kanilang kalagayan.
Napaisip ako. Ang kapwa ko ba mga kamag-aral ay napapaisip na nang ganito? May malasakit rin ba sila sa ating kapwa o tila nabubuhay na lamang sila sa pang-araw-araw nang hindi tumitingin sa kanilang kapaligiran? Sa kanila bang paglaki ay may gagawin sila upang baligtarin ang tatsulok at mapanatili ang pagkakapantay-pantay ng lahat? Hindi ba't ang pangit namang tignan na tayo'y nakapagtapos ng pag-aaral, umasenso, nang di man lang tayo tutulong sa ating kapwa habang may potensyal naman tayo? Sana, sa ating pagbangon sa araw-araw, ay bumangon tayo nang may layuning maging parte ng pagbabago para sa kabutihan ng ating kinabukasan. Kaya't tayo na't maging mapagmalasakit, at mapagmahal sa ating bayan.
No comments:
Post a Comment